Tuesday, October 25, 2011

ang matanda at ang bata


sa isang parke, tahimik na nakaupo ang isang matanda sa bangkong ipinasadya upang gamitin ng mga taong bumibisita. paborito niya ang lugar sa lilim ng malalaking puno ng akasya.  ang lugar na iyon ay mainam na pahingahan para sa matanda hindi lamang sa malamig nitong kondisyon kundi pati na rin sa posisyon nito malapit sa lugar na paborito ng mga bata. ang suot na damit na tila minana pa niya sa kanyang ama, at ang buhok na wala na sa ayos at moda, ay nagpapahiwatig na siya ay isang anyo ng taong salat sa yaman at karunungan.

kapansin pansin na ang matanda’y iniiwasan ng mga taong dooy nagdaraan. kung minsan, may mga iilan na humihinto ng panandalian. tumitingin at napapaisip kung siya pa ba’y humihinga at pinagmamasdan ang pobre niyang kaanyuan. kung mamalasin, siya ay napaglalaruan ng mga kabataan na tila aliw na aliw sa kanyang kalagayan. hindi nila alintana na siya’y nagpapahinga, humuhugot ng lakas at inspirasyon sa iilang pamilya na dooy buo at magkakasamang nagsasaya.

sa isa pang bangko malapit sa kanyang kinauupuan, hindi niya pansin ang isang bata na rooy nag-aabang. hindi niya pansin ngunit kanya itong pinakikiramdaman. sa kanyang gunita, ilang araw na niyang nakikita ang bata sa gawing iyon ng pasyalan. ngunit siya ay naguguluhan. ano ang ginagawa o inaabangan ng isang bata na ang gulang ay hindi hihigit sa sampu sa gayong parte ng pasyalan? wika niya sa kanyang sarili. panandalian niyang ipinikit ang kanyang mga mata at pagdaka’y inilabas ang maliit na libro mula sa supot na lagi niyang dala-dala.

gaya ng kanyang inaasahan, ang bata ay naiiba. siya ay tumayo, lumapit, at siya’y tinabihan. muling nakaramdam ng lungkot at pait sa kanyang puso ang matanda. muli siyang nakatagpo ng musmos na isipan, puso, at kaluluwa. isang bata na pinagkaitan marahil ng karunungan o ang tanging hiling ay kaunting laman ng kumakalam na tiyan. ngunit bakit siya ang nilapitan? siyang mukang gutom at tinakasan na ng maraming kaarawan. di kaya’y ang bata ay uhaw lang ng kaalaman? ngunit bakit siya ang nilapitan? siyang mukang walang alam at busabos ang kalagayan. marahil ito ay naakit ng librong kanyang tangan. hindi mapalagay ang matanda kaya’t ang bata ay sinubukan.

ibinigay ng matanda ang hawak nitong libro at kanya itong pinagmasdan. binasa na bata ang nakasulat sa pabalat. “ang buhay ni don felipe q. norvales”. ang basa ng bata. siya pala ay marunong bumasa.  laking gulat ng matanda nang ibalik kaagad ang libro na kanina’y kanyang tangan.

“marunong kang bumasa, ayaw mo ba?” ang tanong ng matanda.

“nabasa ko na po ang librong yan at kabisado ko na po ang ilang detalye sa loob niyan” sagot ng bata.

muling napaisip ang matanda at pinagmasdan ang bata. “kung gayo’y bakit mo ako nilapitan?” kadalasa’y ang mga batang may lakas loob na ako’y lapitan sa sandaling ilabas ko ang hawak na libro ay ang pawang hangari’y sila’y aking kwentuhan.”  pahayag ng matanda.

“kilala ko po kayo” wika ng bata. “madalas ko pong basahin ang inyong talambuhay sa gawing harapan ng parkeng ito.” dagdag pa niya.

kinilabutan ang matanda sa kanyang narinig. alam ng bata ang kanyang buhay. batid nito ang kanyang tunay na kaanyuan.

“paano mo ako nakilala? paano mo nalaman na ako, ang istrukturang nakatindig sa harapan ng parkeng ito, at si don felipe ay iisa? tanong ng matanda.

“nasa inyo pong mga mata ang kasagutan. magbihis po kayo at magpagupit at kayo’y dagling matatandaan.” wika ng bata.

“totoong napakahusay mo at totoong kakaiba.” sambit ng matanda.

“lagi ko po kayong inaabangan at ako po ay naghihintay ng tamang pagkakataon na kayo’y aking pasalamatan. dahil po sa parke na inyong ipinagawa, napakarami pong batang tulad ko ang laging napapasaya. dito po namin nahahanap ang kaligayahan na pilit tumatakas sa aming tahanan. kahit sa ganitong lugar lamang, may mga pamilyang nabubuo at magkakasamang nalilibang.” pahayag ng bata.

“ngunit bakit po ninyo inililihim ang inyong katauhan? ayaw po ba ninyo na kayo’y pasalamatan? hindi po ba ninyo hinahangad na kayo’y hangaan at kagiliwan? na kayo’y ituring na mahalaga at gawing ama ng bayan?” tanong ng bata sa matanda.

“balang araw maintindihan mo rin. kung nais mong tumulong at iabot ang iyong lingap, higit na madali mo itong magagawa sa palihim na kilos at kawang gawa. ang pagiging totoong ama ng bayan ay magagawa ninuman, basta ang hangarin ay wagas at walang nakatagong kapalaluan. ang pagiging masaya, mapayapa, at pagkakaroon ng makabuluhang buhay ay hindi lamang nakukuha o natatamo sa pamamagitan ng kasikatan at karangyaan. nakikita rin ito sa kalayaan na magawa ang mga bagay na sa iyo’y tunay na mahalaga at pinahahalagahan din na iba.” paliwanag ng matanda.

tumayo ang matanda at nagsimulang naglakad palayo sa bata. may ngiti sa labi at dala ang kaligayahang wagas at tunay na kakaiba.

Monday, October 24, 2011

si teacher paplesing


ano ang ginagawa ng mga guro kung ang principal o dean ay wala?

challimar  : si teacher ay puro sakripisyo, oic na’t nagtuturo pa.
helena  : ang guro ko ay matiyagang nagtuturo, ang mga bata ay talagang natututo.
byan arvie  : si prof ay seryoso, sa buladasan dumideretso.
haliven : si teacher ay palakwento, sa buhay niya’y nakasentro.
jan ray : si mam ay second parent, walang inatupag kundi ang sermon.
abmer : ang mga guro ay abala, bising-bisi sa pakikipagdada.
marc glen : ang teacher namin ay nasa canteen, puto’t kutsinta ay nakahain.
camon : si mam ay laging naka-smile, panay forward ng quotes sa kabarkada.
cristine : si teacher ay napakasipag, panay boardwork ang inaatupag.
redward : si mam ay parang prinsesa, laging nakaupo sa tasa.
joey dee : si prof ay energetic, biglang tayo kung may daraan sa pinto.
nichelle : si sir ay napaka-friendly, laging kausap ay mga beki.
regan : si teacher ay laging busy, nagbibilang ng piso-piso.
argay : si sir ay parang parak, tinatanggap kahit patak-patak.
venson : ang aming guro ay resourceful, ang topic ay puro avon.
jayner: si sir ay napakabait, mahimbing sa pagkakaiglip.
eberlyn : si prof ay parang doc, panay pisil at panay haplos.

ang mga nabanggit ay ilan lang sa napakaraming hinaing ng mga mag-aaral sa pribado man o pampublikong paaralan. ganito na nga ba talaga ang karamihan? ano ang kahihinatnan ng edukasyon kung ang itinuturing na pinakamahalaga at dinadakilang  propesyon ay nahaluan na ng mga taong bulok at patapon? may pag-asa pa ba tayo ngayon? ano pa nga ba ang natitirang solusyon?

balibalita


nakabibingi ang samu’t-saring balita. 

sa kalye--patay dito patay doon. 
sa kabayanan--nakawan dito, nakawan doon.  
sa eskenita--chismis dito chismis doon. 
sa opisina--tulog dito tulog doon. 
sa eskwelahan--singil dito singil doon. 
sa dep-ed--palakasan dito palakasan doon. 
sa hospital--turok dito turok doon. 
sa palengke--dayaan dito dayaan doon. 
sa huwes--palusot dito palusot doon. 
sa munisipyo--suhol dito suhol doon. 
sa pulisya--torture dito torture doon. 
sa internet--scandal dito scandal doon. 

hay naku po juan! 
wala ka ng mapupuntahan. lahat ng sulok pandidirihan.

Sunday, October 23, 2011

palimos mam!


ano kaya ang gagawin ng isang guro kung sakaling lapitan siya ng isang mag-aaral gamit ang ganitong banat:

kiko: magandang araw po mam! napakaganda nyo po ngayon. pwede po ba kayong makausap?
mam: estudyante ba kita?
kiko: opo mam! pang 7:30-8:30 po mam!
mam: o ano ang kailangan mo?
kiko: tungkol po sa grades ko mam. medyo alanganin po yata.
mam: sandali lang titignan ko ang records mo.
kiko: ano po kaya ang maari kong gawin mam?
mam: naku halos walang laman ang records mo. napakarami mong kulang, pasulpot-sulpot ka pa. walang kang mid-term. wala ka ring final exam. bagsak ka! wala na tong pag-asa.
kiko: ah mam may dala po akong jollibee! mainit-init pa.
mam: hoy! anong akala mo sa akin, mukang jollibee? sira ulong to! araw-araw ako sa jollibee noh! at isa pa hindi ako cheap!
kiko: ganun po ba mam? ah sige po mam, alis na po ako mam. tanggapin nyo po itong dala ko.
mam: hindi ako nadadaan sa ganyan. lokong bata to!
kiko: nagbabakasakali lang po ako mam, kasi gusto ko pong ipagpatuloy ang pag-aaral ko. naisip ko po na baka maari niyo po akong bigyan ng pagkakataon. sige po. salamat nalang po mam! hihinto nalang po ako sa pag-aaral. susubukang makapaghanap ng mapapasukan. thank you po sa oras nyo mam!
mam: teka, patingin nga!
kiko: heto po mam. sa inyo po talaga yan mam!
mam: aba! medyo mainit-init  pa nga! oh bakit walang ketsup? incomplete ka!
kiko: sory po mam! nakalimutan ko pong humingi. ano pong pwede kong gawin mam? pwede po bang mag project nalang?
mam: ano? anong project project sinasabi mo! mcdo naman bukas, kala mo ha!
kiko: ah, hehe. sige po mam!


eh ikaw ano ang iyo? chowking ba o pizza hut?”

after the darkest hour

"thanks a lot to damaged-4-lyf"

kilos at batas


“ano ang mangyayari sa mundo kung ang mga mamamayan ay tulad ng mga anghel sa langit? kakailanganin pa ba ang mga mumunting batas na magbibigay gabay sa bawat kilos ng tao? o sapat na ang disiplina sa sarili upang ang mga bagay na pangkaraniwan nang ginagawa ay hindi na kinakailangan pang likhaan ng panibagong mga batas?

Saturday, October 22, 2011

republikang basura

Saang dako nga dapat pumaroon ang tao? Saang lugar maaaring ipahinga ang pagod na isipan at puso? May lugar pa bagang ang mga pangarap at prinsipyo ay mabibigyang halaga? Hustisya at pagkakapantaypantay ay nararanasan tuwina? Sa anong republika nga ba ito makikita?

Ang mundo ay totoong nalalapit na sa tuluyang pagkabulok. Darating ang panahon na ang dunong ng tao, ang mga bagay na nilikha nito at ang mga bagay na pinahahalagahan ay matatapos. Maraming tao ang naghahangad ng katahimikan. Marami ang nagpupumilit na makaalpas sa bigat ng buhay at ibat-ibang pasanin na tila kakambal na ng kanilang kapalaran. Ang iba’y ginugugol ang buhay sa paggawa ng mga bagay na sa tingin nila’y magbibigay ng labis na kagalakan at kapanatagan ng kanilang puso at isipan. Ni hindi nila namamalayan na sa bawat oras na kanilang ginugugol para sa sariling kapakanan ay naghahatid ng pagkalito at pagkabulag sa kung ano ang dapat na unahin at dapat na pahalagahan

Sa paglipas ng panahon, ang dating payak na pamumuhay ng tao ay napalitan na ng makamundong gawi at kalayawan. Ang dating negatibong impresyon sa mga bagay-bagay ay nagiging positibo. At ang mga bagay na dati’y positibo ay tila baga nakapupuwing na ng panangin at nakabibingi ng pakinggan. Nagbago na nga ang tao at nabago na nga niya ang mundo.

Ang tao ay naghahangad ng maayos na pamumuhay. Maging masaya sa bawat araw, makabuo ng matatag na pamilya, at malayang makagalaw ng walang inaalalang kapahamakan. Gagawin ng tao ang lahat mapunan lamang ang mga pangangailangan. Maging ang pagkapit sa patalim at ang paglimot sa kaalaman ay handa na ring paka-ibigan. Naaatim na mabuhay sa pandaraya ng kapwa, paglimot sa kinagisnang asal, at pagkamkam sa bunga ng pawis ng iba. 

Hindi ba’t ganito ang nangyayari sa lahat ng mga bansa? Mayaman man o mahirap nabubuhay sa pandaraya. Pinuno man o alipin likung-liko ang pamumuhay. Ganito nga ba talaga ang buhay na inihahanda? Ang mamuhay na gaya ng mga ganid na lobo at handang manila anumang oras maibigan. Handang tapakan ang sinuman makuha lang ang buhay na marangya.
                 
Mayroon pa bang natitirang pag-asa at anyo ng kabutihan? May mga tao pa bang namumuhi sa kasinungalingan at nais alisin ang kasamaan? Sinong Pilipino ang hindi nahihirapan? Sino ang naghahangad ng pagbabago at handang manindigan? O sadya nga kayang naiibigan na rin REPUBLIKANG BASURA?