batid kong
ang buhay ko ay matatapos. malapit na malapit na at ito’y lubos. ngunit bakit
ako’y hindi natatakot? marahil kaya’y ito talaga ay angkop?
batid kong
ang buhay ko ay matatapos. sino kaya ang luluha at ang buhay ay mapupuno ng
lungkot? sino ang magsasabing sila’y mapalad at ako’y kanilang nakatagpo? may
aasahan bang sa aki’y magbibigay galang sa kakaunting panahon? marahil kaya’y ako’y
hindi na dapat pang umaasa pagka’t ang buhay ko’y totoong bigo?
ang buhay
ko’y pagdurasa at pighati sa iba. sa simula palang ng pintig nitong puso ay
nais na akong mawala. bunga ng kasalanan at makasariling kapusukan. ang ina
ko’y nagbuntis at ang kanyang mga pangarap ay bilang nangawala.
ako’y
sinubukang kitilin upang ang buhay niya’y hanguin. pagka’t ako’y hindi niya
hinangad at sa buhay niya’y magiging pasanin. ako'y sinubukang lasunin ng mga
gamot at di kanaisnais na inumin. pilit na iniipit upang ang hininga ko’y kanyang
higutin. pagkat ako’y walang pakinabang sa buhay niya at mga balakin.
habang ako’y
nasa sinapupuna’y kahirapan ang hinarap.
karamay ko ang kanyang galit, pighati, yamot, at pagdaramdam. hindi pa
man iniluluwal batid ko ang landas na kaharap. ang mabuhay sa inis at galit ng
ina pagkat ako’y hindi nya maharap. kung ganito ang kahihinatnan ako pa ba’y
dapat na magluwat?
isinilang
ako ng kulang sa araw at buwan. kaya't pag-iisip ko’t katawan alam kong hindi na
magiging normal. di man abot ng isipan batid kong ako’y walang pakinabang.
ako’y naging palamunin at minsay libangan pa ng karamihan.
ang makita
sa daan ay aking iniiwasan. sa mga panauhin ng pamilya’y pilit akong
kinukublihan. para bagang ang tulad ko’y di na dapat pang ipaalam. siguro nga
sila ay tama at huwag ng magdamdam. pagkat
alam kong ako’y pagkakaguluhan o di kaya’y pandidirihan lamang. nitong mga
taong walang alam kundi ang manira at mang-uyam.
ang nais ko
lang naman ay ang mabuhay na masaya. kapiling ang aking ina na handa akong
kalingain at pakaingatan tuwina. ngunit alam kong ito’y pawang mga pangarap
lamang. dahil ako’y laging kinaiinisan at laging napapahiya. hindi ko man
masambit salitang “mahal kita” sa aking ina. dala nitong aking kapansanan at
utal-utal na pagsasalita. aking pinapangarap o hinahangad tuwina, ito’y aking
masambit maipahayag lang na siya ay hindi nag-iisa.
kung ang
mabuhay sa mundo ko’y tila baga’y kamatayan. masisisi ba ako kung ako’y pilit
na magpatiwakal? dahil sa hirap kong kaakbay at mga tiising aking pinapasan,
kahulugan ng aking buhay hindi ko na maramdaman. maging ang aking ina na siyang
inaasaha’y hindi ako magawang kausapin at patuloy na di pinakikialaman. sino pa
ang makapagtitiyaga sa ganito kong kalagayan? kung ang sarili kong pamilya’y
hindi ako kayang pahalagahan? ngayon ang buhay ko’y tunay na ngang walang
kabuluhan. ang maghanap ng kamatayan ngayon ay aking naging libangan at laruan.
wala akong
sinisisi sa ganito kong kalagayan. hindi ko ninais na ako’y maging normal at
ituring pang espesyal. ang mabuhay na masaya at iginagalang ang siyang tanging
kong inaasam. ito pa ba’y ipagkakait at ako’y hindi titirhan?
ngayon ako’y dumaraing at lubos na nakikiusap.
ako nama’y pansinin, pagbigyan, at hatdan. nitong kaunting pangarap na matagal
ko ng inaasam. sana naman ako’y huwag ng talikuran. gayong ang mabuhay sa buhay
ko’y tila isang kamatayan.