sa isang
parke, tahimik na nakaupo ang isang matanda sa bangkong ipinasadya upang
gamitin ng mga taong bumibisita. paborito niya ang lugar sa lilim ng malalaking
puno ng akasya. ang lugar na iyon ay mainam
na pahingahan para sa matanda hindi lamang sa malamig nitong kondisyon kundi pati
na rin sa posisyon nito malapit sa lugar na paborito ng mga bata. ang suot na damit
na tila minana pa niya sa kanyang ama, at ang buhok na wala na sa ayos at moda,
ay nagpapahiwatig na siya ay isang anyo ng taong salat sa yaman at karunungan.
kapansin
pansin na ang matanda’y iniiwasan ng mga taong dooy nagdaraan. kung minsan, may
mga iilan na humihinto ng panandalian. tumitingin at napapaisip kung siya pa
ba’y humihinga at pinagmamasdan ang pobre niyang kaanyuan. kung mamalasin, siya
ay napaglalaruan ng mga kabataan na tila aliw na aliw sa kanyang kalagayan.
hindi nila alintana na siya’y nagpapahinga, humuhugot ng lakas at inspirasyon
sa iilang pamilya na dooy buo at magkakasamang nagsasaya.
sa isa pang
bangko malapit sa kanyang kinauupuan, hindi niya pansin ang isang bata na rooy
nag-aabang. hindi niya pansin ngunit kanya itong pinakikiramdaman. sa kanyang
gunita, ilang araw na niyang nakikita ang bata sa gawing iyon ng pasyalan.
ngunit siya ay naguguluhan. ano ang ginagawa o inaabangan ng isang bata na ang
gulang ay hindi hihigit sa sampu sa gayong parte ng pasyalan? wika niya sa kanyang
sarili. panandalian niyang ipinikit ang kanyang mga mata at pagdaka’y inilabas
ang maliit na libro mula sa supot na lagi niyang dala-dala.
gaya ng
kanyang inaasahan, ang bata ay naiiba. siya ay tumayo, lumapit, at siya’y tinabihan.
muling nakaramdam ng lungkot at pait sa kanyang puso ang matanda. muli siyang
nakatagpo ng musmos na isipan, puso, at kaluluwa. isang bata na pinagkaitan
marahil ng karunungan o ang tanging hiling ay kaunting laman ng kumakalam na
tiyan. ngunit bakit siya ang nilapitan? siyang mukang gutom at tinakasan na ng
maraming kaarawan. di kaya’y ang bata ay uhaw lang ng kaalaman? ngunit bakit
siya ang nilapitan? siyang mukang walang alam at busabos ang kalagayan. marahil
ito ay naakit ng librong kanyang tangan. hindi mapalagay ang matanda kaya’t ang
bata ay sinubukan.
ibinigay ng
matanda ang hawak nitong libro at kanya itong pinagmasdan. binasa na bata ang
nakasulat sa pabalat. “ang buhay ni don felipe q. norvales”. ang basa ng bata. siya
pala ay marunong bumasa. laking gulat ng
matanda nang ibalik kaagad ang libro na kanina’y kanyang tangan.
“marunong
kang bumasa, ayaw mo ba?” ang tanong ng matanda.
“nabasa ko
na po ang librong yan at kabisado ko na po ang ilang detalye sa loob niyan”
sagot ng bata.
muling
napaisip ang matanda at pinagmasdan ang bata. “kung gayo’y bakit mo ako
nilapitan?” kadalasa’y ang mga batang may lakas loob na ako’y lapitan sa
sandaling ilabas ko ang hawak na libro ay ang pawang hangari’y sila’y aking
kwentuhan.” pahayag ng matanda.
“kilala ko
po kayo” wika ng bata. “madalas ko pong basahin ang inyong talambuhay sa gawing
harapan ng parkeng ito.” dagdag pa niya.
kinilabutan ang
matanda sa kanyang narinig. alam ng bata ang kanyang buhay. batid nito ang
kanyang tunay na kaanyuan.
“paano mo
ako nakilala? paano mo nalaman na ako, ang istrukturang nakatindig sa harapan
ng parkeng ito, at si don felipe ay iisa? tanong ng matanda.
“nasa inyo
pong mga mata ang kasagutan. magbihis po kayo at magpagupit at kayo’y dagling matatandaan.”
wika ng bata.
“totoong
napakahusay mo at totoong kakaiba.” sambit ng matanda.
“lagi ko po
kayong inaabangan at ako po ay naghihintay ng tamang pagkakataon na kayo’y
aking pasalamatan. dahil po sa parke na inyong ipinagawa, napakarami pong
batang tulad ko ang laging napapasaya. dito po namin nahahanap ang kaligayahan na
pilit tumatakas sa aming tahanan. kahit sa ganitong lugar lamang, may mga
pamilyang nabubuo at magkakasamang nalilibang.” pahayag ng bata.
“ngunit
bakit po ninyo inililihim ang inyong katauhan? ayaw po ba ninyo na kayo’y
pasalamatan? hindi po ba ninyo hinahangad na kayo’y hangaan at kagiliwan? na
kayo’y ituring na mahalaga at gawing ama ng bayan?” tanong ng bata sa matanda.
“balang araw
maintindihan mo rin. kung nais mong tumulong at iabot ang iyong lingap, higit
na madali mo itong magagawa sa palihim na kilos at kawang gawa. ang pagiging
totoong ama ng bayan ay magagawa ninuman, basta ang hangarin ay wagas at walang
nakatagong kapalaluan. ang pagiging masaya, mapayapa, at pagkakaroon ng makabuluhang
buhay ay hindi lamang nakukuha o natatamo sa pamamagitan ng kasikatan at
karangyaan. nakikita rin ito sa kalayaan na magawa ang mga bagay na sa iyo’y tunay
na mahalaga at pinahahalagahan din na iba.” paliwanag ng matanda.
No comments:
Post a Comment