Ang mundo ay totoong nalalapit na sa tuluyang pagkabulok. Darating ang panahon na ang dunong ng tao, ang mga bagay na nilikha nito at ang mga bagay na pinahahalagahan ay matatapos. Maraming tao ang naghahangad ng katahimikan. Marami ang nagpupumilit na makaalpas sa bigat ng buhay at ibat-ibang pasanin na tila kakambal na ng kanilang kapalaran. Ang iba’y ginugugol ang buhay sa paggawa ng mga bagay na sa tingin nila’y magbibigay ng labis na kagalakan at kapanatagan ng kanilang puso at isipan. Ni hindi nila namamalayan na sa bawat oras na kanilang ginugugol para sa sariling kapakanan ay naghahatid ng pagkalito at pagkabulag sa kung ano ang dapat na unahin at dapat na pahalagahan
Sa paglipas ng panahon, ang dating payak na pamumuhay ng tao ay napalitan na ng makamundong gawi at kalayawan. Ang dating negatibong impresyon sa mga bagay-bagay ay nagiging positibo. At ang mga bagay na dati’y positibo ay tila baga nakapupuwing na ng panangin at nakabibingi ng pakinggan. Nagbago na nga ang tao at nabago na nga niya ang mundo.
Ang tao ay naghahangad ng maayos na pamumuhay. Maging masaya sa bawat araw, makabuo ng matatag na pamilya, at malayang makagalaw ng walang inaalalang kapahamakan. Gagawin ng tao ang lahat mapunan lamang ang mga pangangailangan. Maging ang pagkapit sa patalim at ang paglimot sa kaalaman ay handa na ring paka-ibigan. Naaatim na mabuhay sa pandaraya ng kapwa, paglimot sa kinagisnang asal, at pagkamkam sa bunga ng pawis ng iba.
Hindi ba’t ganito ang nangyayari sa lahat ng mga bansa? Mayaman man o mahirap nabubuhay sa pandaraya. Pinuno man o alipin likung-liko ang pamumuhay. Ganito nga ba talaga ang buhay na inihahanda? Ang mamuhay na gaya ng mga ganid na lobo at handang manila anumang oras maibigan. Handang tapakan ang sinuman makuha lang ang buhay na marangya.
Mayroon pa bang natitirang pag-asa at anyo ng kabutihan? May mga tao pa bang namumuhi sa kasinungalingan at nais alisin ang kasamaan? Sinong Pilipino ang hindi nahihirapan? Sino ang naghahangad ng pagbabago at handang manindigan? O sadya nga kayang naiibigan na rin REPUBLIKANG BASURA?
No comments:
Post a Comment